Nag-motorcade nitong Lunes mula Welcome Rotonda patungong Mendiola ang tinatayang 150 motorcyle riders mula sa iba't ibang organisasyon para hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang batas na gawing dalawa ang plaka ng motor.

Ayon kay Roberto Perillo, national council member ng Riders of the Philippines, may mga dahilan kung bakit hinihiling nila sa Pangulo na i-veto ang batas.

Una raw ay hindi magiging ligtas ang pangalawang plaka na ilagay sa harap ng motor dahil hindi ito nakadisenyo sa luma man o bagong motor.

Ikalawa, hindi raw ito makatutulong sa pagsugpo ng krimen dahil hindi naman daw gumagamit ng sariling motor ang mga kriminal kapag gumagawa ng krimen.

Pangatlo, dagdag gastos lang daw ito sa mga may ari ng motor.

Pagdating sa Mendiola, hindi nakapasok ang mga rider sa Malacañang. Tanging ang dalawang lider lamang nila ang pinapasok ng mga pulis para madala ang liham ng iba't ibang grupo sa Pangulo.

Dinala ang kanilang liham sa Presidential Action Center sa Malacañang.

Giit naman ni Blair Escario ng Ride Guardians Community, hindi na nga maibigay ng Land Transportation Office ang plaka nila sa loob ng ilang taon, ay dodoblehan pa ito.

Sang-ayon din si Hadji Amin, chairman ng Quezon City Motorcycle Federation, na hindi kayang tapyasan ng pagdoble ng plaka ang krimen dahil hindi rehistradong motor ang karaniwang gamit  ng mga kriminal.

Dudulog daw sila sa Supreme Court sakaling pirmahan ng Pangulo ang Motorcycle Crime Prevention Act. —KBK, GMA News