Nahuli na umnao ang isang notoryus na holdaper sa isinagawang operasyon ng mga pulis sa Sampaloc, Manila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Ronel Guerrero.
Bago maaresto, marami na umanong nabiktima si Guerrero. Pinagnakawan umnao nito ang isang laundry shop sa Cubao sa Quezon City noong Miyerkoles ng gabi. Ayon sa biktima, kinuha raw sa kanya ng suspek ang P4,000 cash, cellphone, mamahaling wallet, at iba pang personal na gamit.
“Pumasok po siya branch namin. Nag-declare siya ng nangangailangan lang po. Holdap,” sabi ng biktimang si Mhalyn Buan.
“Umalis na siya. Sabi niya sakin, ‘wag akong gagalaw kung hindi puputukan niya ako,” kwento ng biktima.
Sa hiwalay na insidente noong ika-1 ng Pebrero sa isang restaurant sa Cubao, makikita sa kuha ng CCTV na tinutukan ni Guerrero ng baril ang mga kumakain at kinuha ang mga cellphone at wallet nila.
Nang makita ng isang biktima ang inarestong suspek, nagbalik daw ang naramdaman niyang takot sa oras na iyon.
“Nakakaphobhia kasi e. Kanina nga parang pinapalapit nila kami, 'di kami makalapit…Nakakatakot talaga,” sabi ng isa sa mga nabiktima ni Guerrero.
Sinasabing si Guerrero rin daw ang nakunan ng CCTV na nangholdap sa isang gasolinahan at isang grocery store sa San Juan City.
Masaya naman ang mga nabiktima na naaresto na ang suspek.
Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril, isang nakaw umanong motorsiklo at ilan pang gamit sa panghoholdap. Hindi na narekober ang marami sa mga nakuha mula sa mga biktima.
Napag-alaman na kalalaya lang pala ni Guerrero noong Hunyo noong nakaraang taon dahil din sa panghoholdap.
Inamin naman ng suspek ang mga paratang laban sa kanya, “Yung panghoholdap po, totoo po yun.”
Samantala, inaresto rin ang isa pang lalaki na sinasabing kasabwat umano ni Guerrero sa panghoholdap na kinilalang si Gervy Magno.
“Ma’am wala po akong alam dyan ma’am. Nagte-text lang po siya sa akin para i-angkas lang po,’ sabi ni Magno.
Haharap sa mga reklamong robbery hold-up at karnaping ang mga suspek. —Joviland Rita/LBG, GMA News
