Humingi ng tulong sa pulisya ang isang 20-anyos na college student matapos siyang pagbantaan ng isang lalaki na ipakakalat sa internet ang mga hubad niyang larawan kung hindi siya magbibigay ng pera at kung hindi papayag na makipagtalik.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabi ng biktima na itinago sa pangalang "Lady" na nakilala niya sa pamamagitan ng social media ang suspek na nakilala kinalaunan sa pangalang Mark Angelo Verano, 29-anyos.

Inalok umano ng suspek si Lady ng trabaho na "escort" na maaari siyang kumita ng malaking halaga.

Dahil sa husay sa pambobola ng suspek at dala na rin ng pangangailangan ng biktima, pumayag ang kolehiyala sa alok.

Kasunod nito ay humingi na mga hubad niyang larawan ang suspek na ipinadala naman niya sa chat. Ipakikita raw ang mga larawan sa mga magiging kliyente na magbi-bid kung sino ang kaniyang sasamahan.

Pero nang maipadala na niya ang mga hubad na larawan, doon na raw humingi ng pera at humirit na makipagtalik ang suspek para hindi nito ikalat sa internet ang kaniyang mga larawan.

Matapos humingi ng tulong sa PNP-CIDG-Detection and Special Operations Unit ang biktima, kaagad na ikinasa ang entrapment operation at doon nadakip si Verano.

Nang hingin ang kaniyang panig, umiiyak siyang humingi ng patawad at pinagsisihan daw niya ang kaniyang nagawa.

Hinala ni Police Senior Superintendent Domeng Soriano, hepe ng  CIDG-DSOU, posibleng may iba pang nabiktima si Verano na lalantad kapag nalaman na nadakip na ito.

Sinampahan ang suspek ng reklamong robbery extortion at mga paglabag sa trafficking in persons act, anti-photo and voyeurism act at anti-cyber crime law.

Nangako naman ang biktima na itutuloy niya ang kaso para hindi na makapambiktima ang suspek.

Muli namang nagpayo ang pulisya na huwag basta-basta magtitiwala sa mga alok na nakilala online at hindi kapani-paniwala ang mga sinasabi.-- FRJ, GMA News