Hinostage ang isang lalaki sa Maynila ng kanyang sariling pamangkin na sinunog pa ang kanyang sariling bahay pagkatapos ng insedente, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Linggo.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan si John Bernard Padilla matapos siyang ma-hostage at tangkaing pagsasaksakin ng kanyang 26-anyos na pamangkin na kinilalang si Ranil Christian Baje.
Ayon kay Padilla, natutulog siya nang pasukin siya ni Baje at tinutukan ng kutsilyo.
“Tinutukan niya po kami ng kutsilyo tapos inundayan niya na po ako ng saksak pero nakalaban ako,” sabi ni Padilla.
Pagkatapos nito, ang nanay naman nila at lola mismo ng suspek ang hinila at tinutukan ng kutsilyo ni Baje.
“Wala naman akong kasalanan sa kanya. Sabi ko nga kung may problema siya, pag-usapan namin,” kuwento ng kanyang kamag-anak na si Imelda Padilla.
Tinatanong daw sila ng suspek kung bakit daw nila siya ipapa-Tokhang.
Umuwi si Baje sa kanilang bahay na katabi lang ng bahay kung saan siya nang-hostage at kanyang sinunog ito. Umabot sa unang alarma ang sunog na tumagal din ng 30 minuto bago naapula.
Nang rumesponde ang mga pulis, sinaksak ni Baje ang mga pulis kaya napilitan ang awtoridad na paputukan na ang suspek na kanyang ikinasawi.
Isinugod sa ospital si Baje ngunit idineklarang dead on arrival.
Ito raw ang unang beses na nagwala ang suspek at wala rin naman daw silang naging alitan.
Pinaghihinalaan nilang lulong sa droga ang suspek.
“Mabait naman 'yun e. Napabarkada lang. Hindi natutulog 'yun. Kailangan pa painumin ng gamot para lang makatulog,” sabi ni Imelda. —Joviland Rita/KG, GMA News
