Limang lalaki na miyembro umano ng "ipit gang" ang naaresto sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes, apat sa mga suspek ay menor de edad. Kinilala naman ang kanilang lider bilang si Daniel Leonardo.
Ayon sa mga awtoridad, ang estilo raw ng grupo ay lalapit sila sa bibiktimahin, iipitin nila ito saka mandurukot.
Isang babaeng estudyante ang huli nilang nabiktima sa may kalye ng Santander bago sila maaresto.
"Hindi niya napansin na mayroong pumunta sa kanan niya, sa kaliwa, sa likod... at 'yung nasa harap 'yun 'yung kumuha ng phone niya na nagbanta pa na 'pag 'di niya bibigay 'yung phone ay sasaktan siya," sabi ni Police Officer 1 Genevieve Evangelista ng Manila Police District Station 4.
Hindi naman itinanggi ni Leonardo ang krimeng nagawa. Ayon sa suspek, ginawa niya ito para sa kanyang pamilya.
"Ginawa ko po kasi wala akong trabaho... para sa pamilya ko rin 'yun eh. Magyayaya lang ako ng mga kasama ko tapos kapag napalakas ng loob ko na sila tsaka na 'ko gagawa ng kalokohan ko tapos maghahati-hati kami," sabi ni Leonardo.
Mahaharap si Leonardo sa kasong theft.
Samantala, ang apat niyang kasama ay dadalhin sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development upang sumailalim sa rehabilitation program.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na mag-ingat upang maiwasan ang mga ganitong insidente.
"Iwasan po natin gumamit ng cellphone kapag naglalakad. Kung 'di naman po importante na ilabas 'yung cellphone, huwag na lang po nating gamitin para maiwasan 'yung ganitong insidente," sabi ni Evangelista. —Anna Felicia Bajo/KG, GMA News
