Kulungan ang bagsak ng isang lalaking kinikilan umano ang kaniyang kasintahan sa Asingan, Pangasinan, kapalit ng hindi niya pagpapadala ng mga larawan nilang magkayakap at naghahalikan sa live-in partner ng babae.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Julie Marbihar, na dinakip ng pulisya sa isang entrapment operation.

Ayon sa biktimang si Christine, hindi niya tunay na pangalan, kinikilan siya ng suspek ng P10,000.

"Kapag hindi raw ako nagbigay, magse-send daw siya ng picture sa asawa ko. Nananakot siya tapos sapilitan pa 'yung ano," sabi ni Christine.

Nakumpiska kay Marbihar ang kaniyang cellphone kung saan makikita ang mga mensahe ng pagbabanta niya kay Christine.

Sa gitna rin ng operasyon, nakuha pa sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek, na nahaharap sa robbery-extortion at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

"Ipagbigay-alam po sa ating kapulisan para maaksyunan po natin, para mahuli natin 'yung mga suspek na ganito," paalala ni P/C Insp. Leonard Zacarias, officer-in-charge, Asingan Police. —Jamil Santos/ LDF, GMA News