Humingi ng paumanhin si Interior Secretary Jonvic Remulla sa isang construction worker na inaresto dahil wala siyang damit habang naghahalo ng semento nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad kaugnay ng Safer Cities Initiative sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
“May nakita akong feedback sa social media na may umangal taga-Barangay Addition Hills na naghahalo lang ng semento at siya ay inaresto,” sabi ni Remulla sa press briefing nitong Lunes.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin at pupuntahan ko po siya sa mga susunod na araw para personal na humingi ng paumanhin,” dagdag ng kalihim.
Aminado si Remulla na hindi nabigyan ng malinaw na bilin ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng Safer Cities Initiative.
“It was my fault that I did not give clearer instructions on how to implement the Safer Cities Initiative. Nagkulang po ako roon. Ang tanging hangarin ko ay patahimikin ang mga kalye," sabi ng kalihim.
“Ngunit dahil sa kakulangan ng aking paliwanag, kahit sino na lang na walang t-shirt ay dinampot. Mali po iyon. Nagkamali po kami roon, and I take full responsibility," dagdag ni Remulla. "I will make amends and ensure that this is clarified.”
Sinabi rin ni Remulla, na susuriin ang naturang program, ngunit magpapatuloy ang pagpapatupad nito.
Noong Abril 6, inanunsyo ni Remulla ang mas mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa pag-inom ng alak at pagsusugal sa mga pampublikong lugar, kasama ang iba pang hakbang sa ilalim ng Safer Cities Initiative.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), may kabuuang 61,549 na kaso ang naitala mula Abril 6 hanggang 11. Karamihan sa mga paglabag ay may kinalaman sa pag-inom at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, na umabot sa 18,904 na insidente.
Sa kabuuan, 39,205 katao ang binigyan ng babala pinalaya, 21,317 ang pinagmulta, at 1,207 ang sinampahan ng kaso, ayon sa PNP.— Joviland Rita/FRJ GMA News

