Tatlong araw na magsasagawa ng tigil-pasada sa buong bansa ang transport group na MANIBELA na magsisimula sa Abril 15 hanggang Abril 17. Ang protesta ay dulot ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo,
“Hanggang Biyernes, idinedeklara natin ang isang malaking transport strike kung saan magsasama-sama ang iba-ibang transport entities, ang MANIBELA at ang iba pang transport group,” pahayag ng tagapangulo ng grupo na si Mar Valbuena sa press conference nitong Lunes.
Idinagdag niya na ang protesta ay bunga rin ng kawalan umano ng aksyon ng gobyerno na resolbahin ang problema sa mahal na presyo ng mga produktong petrolyo.
“Pagkondena ito sa kapabayaan ng pamahalaan, lalo na ng DOE at ng DOTr, at pakikipagsabwatan sa mga oil companies na nakinabang ng bilyong piso,” dagdag niya.
Tinatayang nasa 500,000 jeepney at iba pang sasakyan ang inaasahang lalahok sa tigil-pasada, ayon kay Valbuena.
Sinabi rin ng grupo na magkakaroon sila ng protesta sa Philcoa, Quezon City.
Nanawagan si Valbuena ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa ₱55 kada litro, at pagsuspinde sa value-added tax at excise tax sa krudo.
“Dapat itong buwan na ito, itong linggo na ito, dapat nang i-roll back sa P55 ang presyo ng mga produktong petrolyo,” giit niya.
Noong nakaraang weekend, sinabi ng Department of Energy na maaaring bumaba ang presyo ng diesel ng ₱20.89 kada litro, gasolina ng ₱4.43 kada litro, at kerosene ng ₱8.50 kada litro ngayong linggo.
Samantala, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na maaaring hindi na bumalik sa ₱60 kada litro ang presyo ng gasolina dahil sa mga pasilidad na napinsala dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Sa hiwalay na press briefing nitong Lunes, sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi ito tamang panahon para magsagawa ng transport strike.
''At sa atin po ngayon, sa ating palagay, ang pagho-hold ng transport strike ay hindi napapanahon sa ngayon. Hindi po ito makakatulong sa dinaranas po natin dulot ng krisis sa Middle East. Ang kinakailangan po lamang talaga dito ay negosasyon, pag-uusap, pagtutulungan,'' sabi ni Castro.
Sa gitna ng panawagan na suspendihin ang value-added tax sa produktong petrolyo, ipinaliwanag ni Castro na walang kapangyarihan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawin ito dahil wala umanong batas na nagbibigay sa kaniya ng naturang awtoridad.
''Wala pong kapangyarihan ang Pangulo na mag-suspend ng VAT dahil wala pong batas sa ngayon na siya ay binibigyan ng kapangyarihan. So baka nagkakaroon po ng misconception, at ngayon ay baka nakakarating sa mga transport sectors, sa mga drivers, sa operators na sa isang click ay masu-suspend ng Pangulo ang VAT,'' ani Castro.
''Wala pong kapangyarihan sa ngayon ang Pangulo na mag-suspend or mag-reduce ng VAT dahil wala pong batas na siya ay binibigyan patungkol dito,'' patuloy niya.
Una rito, sinabi ni Senate Pro Tempore Panfilo Lacson, na maaaring mawalan ng mahigit ₱320 bilyon na kita ang bansa kapag sinuspinde ang VAT.
Sinabi rin niya na kailangan pang pag-aralan kung magiging tama ang pagsuspinde ng VAT dahil maaari rin itong makaapekto sa ekonomiya ng bansa.— Joahna Lei Casilao/FRJ GMA News

