Bistado ang tangkang pagpupuslit ng hinihinalang shabu sa isang kulungan sa Kalibo, Aklan. Ang ilegal na droga, itinago sa mga tangkay ng kangkong na dala ng isang binatilyong dalaw para sa isang nakakulong.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing naghinala ang mga bantay ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nang biglang umalis ang kasama ng binatilyo.

Nang suriin ang mga bantay ang bitbit na kangkong ng binatilyo na para daw sa sinigang ng isang Person Deprived of Liberty (PDL), doon na nakita ang nakatagong mga hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tatlong gramo.

Inaresto ang binatilyo at iimbestigahan din ang bibisitahin niyang PDL na nakakulong dahil sa kasong may kaugnayan din sa ilegal na droga.—FRJ GMA News