Wala ring ligtas ang mga matatanda sa pagtama ng tigdas matapos maitala sa San Lazaro Hospital na dumami rin ang mga may edad na nahawahan ng naturang sakit.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isa si Arwin Iringco sa mga pasyenteng may edad na tinamaan ng tigdas ay nakaratay ngayon sa nabanggit na pagamutan.

Nagbantay lang daw noon ng anak na may tigdas si Iringco pero siya ay nahawahan ng virus.

"Kailangang mag-ingat lang kasi malakas 'yung tama sa tao, walang pinipili matanda o bata man," sabi niya.

Sa datos ng San Lazaro Hospital, 38 ang kaso nila ngayon ng mga adult patient o mga nasa edad 19 pataas,  na tinamaan ng tigdas.

Malaki umano ang itinaas nito mula sa apat na adult patients lang nitong nakaraang Pebrero 5.

"Based just on San Lazaro stats, higher po older ang trend. Itong mga adult na ito, no vaccine and they haven't had the measles when they were young. So ngayon lang po sila nagka-tigdas," ayon kay Dr. Ferdinand de Guzman, spokesperson San Lazaro hospital.

Sa buong bansa, wala pa rin daw nakikitang paghupa sa measles outbreak na umabot na sa 9,267 ang mga kaso sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Pebrero 18.

Mayroon naman umanong 146 pasyente ang nasawi.

Paalala ng DOH, ang pagpapabakuna ay hindi lamang umano para sa mga bata kundi para din sa mga matatanda rin.-- FRJ, GMA News