Nakapaskil na sa ilang terminal ang mukha ng isang lalaking nahulicam habang hinoholdap ang isang taxi driver sa lugar ng Momumento sa Caloocan.
Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras", natangayan ng P12,000 ang biktimang si Wilmer Capellan na gagarahe na sana nang mangyari ang pangho-holdap.
Hindi alam ng suspect na nakukunan na siya ng video sa pamamagitan ng dashcam ni Capellan sa loob na kanyang taxi.
Pilit daw pinapapatay ng suspect ang ilaw sa loob ng sasakyan habang pinagbabantaan and tsuper na babarilin.
Bukod sa pera, nakuha rin sa biktima ang kanyang relos, alahas at cellphone.
"Ito'y madaling maka-establish ng identity ng suspect at madali ma-follow up ng pulis kung saka-sakali at matumbok kung sino ang suspect," ayon kay Superintendent Ferdinand Del Rosario ng Caloocan PNP. —NB, GMA News
