Matinding "sabon" at halos hindi na makapagtimpi sa galit si National Capital Region Police Office chief Major General Guillermo Eleazar sa isang pulis na inireklamo ng pangongotong ng isang nahuling drug suspect, ayon sa ulat ni Rod Vega ng Super Radyo dzBB sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Nagngingitngit sa galit si Eleazar at dinuro, kinuwelyuhan, at sinabunutan pa ang umano’y kotong na pulis na kinilalang si Police Corporal Marlo Siblao Quibete.
Dumulog sa opisina ng regional special operations unit (RSOU) ng NCRPO ang kinakasama ng nahuling drug suspect ni Quibete para ireklamo ang pulis at ilang tauhan ng Eastern Police District (EPD) drug enforcement unit (DEU).
Ayon sa babae, kinuha ng grupo ni Quibete ang kanilang perang P60,000 kasama na ang kwintas at motorsiklo.
Bukod pa rito, humingi pa raw ng karagdagang P20, 000 ang pulis at pinapirma pa siya sa isang deed of sale para sa motorsiklo.
Magiging kapalit daw ang mga ito ng kalayaan ng kaniyang kinakasama.
Nagsagawa ng entrapment operation ang RSOU laban kay Quibete.
Ipinakita ni Eleazar sa media ang palitan ng mga mensahe sa cellphone ng nahuling pulis, mga kasamahan niya at hepe nito tungkol sa kanilang pangongotong.
Dismayado naman si Eleazar dahil daw sa kabila ng mataas na suweldo ng mga pulis, may ilan pa ring gumagawa ng kalokohan at ginagamit pa ang kampanya kontra droga para pagkakitaan
Dahil dito, nanawagan si Eleazar sa publiko na isumbong sa kanya ang mga pulis ng Metro Manila na nagsasamantala at sangkot sa iligal na gawain.
Hindi raw siya magdadalawang isip na kasuhan at ipakulong ang mga tiwaling miyembro ng NCRPO.
Ipinasisibak na rin ni Eleazar ang 15 miyembro ng EPD-DEU kasama na ang hepe na sangkot din sa umano’y pangongotong. Ipinaaresto na rin ang iba pang mga kasabwat. —Joviland Rita/LBG/FRJ, GMA News
