Arestado ang isang pulis matapos umanong magpaputok ng baril sa kaniyang apartment unit sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nabahala ang may-ari ng apartment nang makarinig ng putok ng baril sa gusali noong Sabado ng gabi.

Galing umano ang alingawngaw sa inuupahang unit ni Police Senior Master Sergeant Winefer Molina na nakatalaga sa Quezon City Police District Station 2.

Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, naabutang nakahiga sa sahig at tila walang malay si Molina.

Nagising din umano ito kalaunan.

Nakuha sa naturang unit ang kaniyang 9mm na service firearm.
Isang basyo rin ng bala ang natagpuan na indikasyon umanong posibleng nagpaputok nga si Molina pero wala raw makitang tama ng bala sa silid ang mga pulis.

"Maaaring sa kama o maaaring sa bintana kaya iimbestigahan po natin 'yun," ayon kay Police Major Roldan Leceta, hepe ng Calabash Police.

Inaalam din ng mga awtoridad kung lasing si Molina nang mangyari ang insidente.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang arestadong pulis na mahaharap sa reklamong alarm and scandal at iba pang kasong administratibo. — Dona Magsino/BM, GMA News