Hawak ng Pasay City police ang isang lalaki na nahulihan ng libu-libong pekeng pera.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez nitong Huwebes sa "24 Oras," nangangamba ang mga awtoridad na baka ginagamit ang pekeng pera upang ipambili ng boto sa nalalapit na eleksyon.
Sa kuwento ng lalaki, umalis daw siya ng Mindanao noong March 9 para maghanap ng trabaho sa Quiapo. Sumakay daw siya ng jeep kung saan niya naka-kuwentuhan ang driver at misis nitong kundoktora.
"Galing po akong Cagayan, tapos pagdating ko po sa may port, may nag-alok sa akin na doon kayo makituloy sa amin. Tapos nung tinanong kung magkano 'yung pera kong dala, sabi ko, kaunti lang."
Ayon sa pulisya, P20,000 ang dala ng lalaki pero P15,000 ang sinabi niya sa mag-asawa. Sinabi raw ng mag-asawa na dodoblehin nila ito.
Magkakasamang natulog sa loob ng jeepney ang lalaki at mag-asawa kasama ang anak sa Taft Avenue, Manila. Bago raw umalis ang lalaki para maghanap ng trabaho, inabot daw niya ang P15,000 niya sa mag-asawa at pinalitan nila ito ng P48,500.
Wala na raw ang mag-asawa nang bumalik siya sa Taft.
"Hindi ko kasi alam talaga na fake 'yon, kasi nu'ng mag-uwi na sana ako kinabukasan sa Mindanao. 'Yun din ang ibinayad ko sa bus. Parang wala pong pinagkaiba eh."
Nagdesisyon daw ang lalaki na bumalik na sa Mindanao at ang pekeng pera ang ginamit niyang pambili ng ticket pauwi.
Iniimbestigahan pa ng Pasay City police ang kuwento ng lalaki.
"Considering na kagagaling lang po niya ng Mindanao noong March 9...Paano ho siya makakahanap ng trabaho nang ganoong span po ng araw lang? Kaya subject for validation din po 'yung mga sinasabi niya," ayon kay Police Major Wilfredo Sangel ng Pasay City Station.
Dagdag ng opisyal, "May possibility rin po... 'yung sinasabi po niya na na-loko po siya ng mag-asawa is alibi niya po 'yun maam.
Itinanggi naman ng lalaki na siya mismo ang gumawa ng pekeng pera.
Dinala na ang libu-libong counterfeit money sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ayon kay Sangel: "Hindi naman po lingid sa ating kaalaman, pag ganitong mga malapit na ang eleksyon, marami pong naglalabasang mga fake money, maaring ginagamit ito sa sinasabi nating lumalabas na votebuying."
Nangako naman si James Jimenez, tagapagsalita ng Commission on Elections, na makikipag-uganayan sila sa Pasay City police, pero sa ngayo'y wala pa raw silang na-monitor na vote-buying gamit ang pekeng pera. —Margaret Claire Layug/ Dona Magsino/ LDF, GMA News
