Maliban sa dapat maglagay ng "child restraint system" sa mga sasakyan ang mga motoristang magsasakay ng bata, nakasaad sa bagong batas na "Child Safety in Motor Vehicles Act," na bawal nang paupuin sa tabi ng driver ng kotse ang mga batang edad 12 pababa, o may taas lang na 4´11 o mas maliit pa.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang bagong patakaran ay nakasaad sa Republic Act 112291 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang buwan.

Ayon kay Augusto Lagman, presidente ng Automobile Association of the Philippines, ang passenger seat na katabi ng driver ang pinakamapanganib na puwesto sa sasakyan.

"Unang-una, sudden braking lang puwedeng madala ka kung 'di ka naka-seatbelt at tuloy-tuloy ka du'n sa windshield," paliwanag niya.

Ipinag-uutos din sa batas na kailangang may child restraint system ang batang pasaherong nakaupo sa likod ng sasakyan at hindi lamang seatbelt.

"When we say child restraint system that includes the seat whether its facing forward or its facing backward," sabi pa ni Lagman

Batay umano sa pag-aaral ng World Health Organization, nababawasan ng 70 porsiyento ang panganib sa pagkamatay ng mga sanggol at hanggang 80 porsiyento naman sa mga bata, na nasasangkot sa mga road crash kung gagamit ng mga child restraint gaya ng seat belt, car seat, booster seat at car bed.

Bagaman may kamahalan ang mga naturang child seat na ikinakabit sa mga sasakyan na ang iba ay umaabot sa P15,000 ang presyo, sabi naman ni Lagman, "If you can afford to buy a car, siguro naman you can afford to buy a car seat for your child."

Ang mahuhuling lumalabag sa bagong batas ay pagmumultahin ng P1,000 sa first offense,  P2,000 sa ikalawa at P5,000 at pagkansela ng lisensya ng isang taon sa ikatlong pagkakahuli.

Hindi pa saklaw ng batas ang mga public utility vehicle tulad ng bus, jeep at tricycle pero nakasaad na puwedeng maglabas ng mga panuntunan at regulasyon tungkol dito ang Department of Transportation and Communication.-- FRJ, GMA News