Naaresto ang isang lalaking nanalisi sa isang bus terminal sa Sampaloc, Maynila matapos siyang bumalik at nagawa pang makitulog. Ang kaso, nakita sa CCTV ang kaniyang ginawa at namukhaan siya ng isang empleyado.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Genesis Santos, na ayon sa pulisya ay dati nang may kaso ng pagnanakaw.

Sa kuha ng CCTV, makikita si Santos na tila namamahinga lang sa labas ng gate sa bus terminal sa Sampaloc madaling araw ng Lunes. Pero nang makatulog na ang dalawang dispatcher ng terminal, sinira niya ang lock ng gate at pumasok.

Dito na niya nakuha ang cellphone ng kaniyang biktima at saka tumakas.

"Hindi namin namalayan napasok kami pala. Ang sarap ng tulog namin doon kaya pagkagising namin, noong dumarating 'yung bus, nakita ko 'yung [pinaglalagyan] ko sa cellphone ko, wala na 'yung cellphone ko doon," sabi ni Reymark Timaot, biktima.

Sinuri ng mga tauhan ng terminal ang CCTV kaya nakilala si Santos.

Pero bumalik ang suspek sa terminal nitong Martes.

"Pumasok ulit ang suspek ng gabi, pumasok sa bus, may driver doon na nakita, bumaba [siya] ulit, tapos lumiko siya sa bus tapos dumiretso sa tulog, ihihiga namin sa itaas. Pumasok 'yung kasama ko, nakita niya 'yung mukha [ng suspek], 'Ay siya pala ito! Siya 'yung nakita namin sa CCTV,'" ayon kay Timaot.

"Tumawag sila ng responde sa amin sa police po, sa Lacson po, vinerify namin, pero 'yung tao po, na-hold na namin doon sa area. Napag-alaman po namin na siya po talaga 'yung suspek na kumuha po ng cellphone. At the same time po, kilala namin 'yung suspek na kasi 'yung mga previous po rito, sila po 'yung mga suspek na akyat-bahay din po" sabi ni Capt. Edwin Fugan, Commander, Lacson Police Community Precinct. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News