Viral ngayon sa social media ang larawan ng isang "Superman" tatay na sinamahan ang anak sa graduation nito kung saan pareho silang nakayapak. Sa likod nito, kinailangan ng mag-ama na lagpasan ang mga ilog para makarating sa paaralan.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing marami ang naantig sa tuloy na pagmartsa ng bata kasama ang ama kahit wala siyang magarbong bihis at sapin sa paa.

At habang nasa martsa ang anak, ala-"Superman" naman ang tatay dahil sa disenyo ng kaniyang damit.

Ayon sa uploader ng litrato na si Willie Atienza, katutubong Mangyan ang mag-ama.

"Medyo late silang dumating. Talagang malayo ang pinanggagalingan nila. Parang 7 na river 'yung tinatawid. Nakakataba lang ng puso 'yung sistema ng mag-ama," ayon kay Willie.

Humihingi na ng tulong ang uploader ng litrato para maipadala sa mag-tatay sa Barangay Fortuna sa Socorro, Oriental Mindoro.

Samantala, kinatuwaan din ang isang nakababatang kapatid sa ipinakita niyang suporta sa kaniyang kuya na nagbibigay ng inspirasyon sa graduation day.

Nagsasalita si Lei Xander Quitiquit sa harap nang lapitan siya ng lalaking kapatid.

Kumaway-kaway pa ang bata, pero the show must go on si kuya.

Ala-"High School Musical" naman ang graduation day ng mga estudyante sa General Santos City.

May kasamang mascot at dance moves pa, kumakanta ang mga estudyante sa kanta ng "We're All in This Together." — Jamil Santos/DVM, GMA News