Pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang bahay ng mga kapitan ng dalawang barangay sa Cebu City.
Sa ulat ni Nico Sereno nitong Biyernes sa Balita Pilipinas Ngayon, makikitang tadtad ng bala ang harapang bahagi ng bahay ni kapitan Precillo Albores ng Barangay Sudlon 2.
Hindi nasaktan sa insidente si Albores maging ang kanyang pamilya na natutulog noon sa kuwarto.
"Ang narinig ko, tatlong putok. Nasa loob pa ako ng kuwarto. Ayon, sunod-sunod ang mga putok. Hindi ako lumabas," kuwento ni Albores.
Ayon sa kanyang kapitbahay na nakasaksi sa insidente, sakay ng tatlong motorsiklong may angkas ang mga bumaril sa bahay. "Naka-bonnet sila tapos nakapantalon at naka-t-shirt."
Kuwento naman ng barangay tanod na si Fidel Dabuco na nasa veranda noon ng bahay: "Pagputok, nag-drop ako. Gumapang ako."
Wala raw maisip na posibleng motibo ang kapitan at wala naman daw ninakaw sa kanyang bahay.
"Bakit ginawa ito sa akin? Ano ang ginawako? Ang mali?" ani Albores. "Kung tungkol sa politika, hindi ako nakakasiguro. Mainit kasi ang kanilang pagtutunggali ngayon."
Ilang minuto lang matapos ang pamamaril, pinaulan din ng bala ang bahay ni kapitan Aurelio Lasponia ng Barangay Sinsin.
Wasak ang mga bintana ng bahay pero walang tinamaang residente.
Ayon kay Lasponia, nakatanggap daw siya ng banta sa text, pero hindi niya matiyak kung may kaugnayan ito sa pulitika o sa mga naapektuhan ng kanyang mga programa sa barangay.
"Ito, kung patayan talaga ang pakay, tinambangan na sana ako. Hindi tiyak, pero ang gumawa niyan hindi basta-bastang tao. Bahay? Hindi naman alam kung ilang tao ang nasa loob ng bahay tapos pagbabarilin. Maraming madadali," aniya.
Sinimulan nang imbestigahan ng mga awtoridad ang mga nangyaring pamamaril. —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News
