Nahuli-cam ang mainit na pagtatalo ng isang babaeng motorista at bus driver sa loob ng bus nang dumating ang isa pang babae at sinapak niya ang bus driver. Ang insidente, sinabing nangyari sa tapat ng isang mall sa Pasay City.

Sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, madidinig sa video ang galit na galit na babaeng motorista dahil muntik na raw banggain nito ang kaniyang sasakyan, kung saan may kasama silang bata.

Madidinig din na nangangatwiran ang driver ng bus na tila sinisisi ang kadebateng babae na dahilan ng kanilang pagtatalo.

Maya-maya lang, isa pang babae na kasama ng motorista ang umakyat sa bus at sinuntok nito ang bus driver. 

Napigilan naman na lumalala pa ang sitwasyon dahil umawat ang kundoktor, ilang pasahero at pati na ang traffic enforcer.

Bagaman iginigiit ng dalawang babae na muntik nang banggain ng bus ang kanilang sasakyan, ilang pasahero naman ng bus ang nagsasabi na ang mga motorista ang umano ang biglang sumingit sa kalye.

Makaraang ang ilan pang minuto, umalis din umano ang mga babaeng motorista.

Ipinakita ng GMA News ang video kay Edsa Traffic Chief Bong Nebrija, at ipinayo niya sa mga masasangkot na katulad na insidente na mas makabubuti pa rin na tumawag ng traffic enforcer o ireport  ang mga abusadong nagmamaneho.

"Makikita niyo po dito na inakyat pa yung bus, yes ,siguro na-offend sila bago yong aksidente na to sinasabi niya muntik silang i-cut, muntik silang banggain.As a motorist you can call the attention of any enforcer and report this matter for reckless driving. kasi po yung reckless this can result to an accident, it's an accident waiting to happen," payo ni Nebrija.

Payo pa ng opisyal, dapat na ugaliin din ng mga motorista ang maging mahinahon sa lahat ng pagkakataon.-- FRJ, GMA News