Protektado umano ng isang lokal na opisyal na kabilang sa narco list ang ilang tulak ng droga na naaresto sa isang buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa ulat ni Cecil Villarosa sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, mahigit kalahating kilo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa 99 na sachet ang nasabat sa operasyon kasama ang ilang drug paraphernalia, isang revolver, at isang hand-held radio.
"Itong local official ay nagbibigay ng proteksiyon at financier din nitong grupong ito. We also found out na kamag-anak nitong naaresto natin na lider ng grupo, itong local politician na ating sinasabi," ayon kay Police Major General Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.
Arestado sa naturang operasyon ang itinuturong pinuno ng Pementera Criminal Gang na si Porferio Pementera; umano'y drug runner na si Orlando Naguinlin; at barangay tanod na si Joseph Dela Cruz na nagsilbi umanong lookout ng grupo.
Umamin sina Pementera at Naguinlin na sangkot sila sa droga pero itinanggi naman ni Dela Cruz na may kinalaman siya rito.
"Nagro-roving po ako. Napatambay lang po, nakipagkwentuhan lang po. Iyon lang po," depensa ni Dela Cruz.
Ayon sa pulisya, konektado rin daw ang grupo sa iligal na operasyon ng ninja cop na si Jolly Aliangan na nakakulong simula pa noong 2016 dahil sa iligal na droga.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehesive Dangerous Drugs Act ang tatlong suspek. —Dona Magsino/LDF, GMA News
