Pinatay ng sariling kinakasama ang isang ginang sa Naga City dahil umano sa selos.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, narinig ng 15-anyos na babaeng anak ng biktima na nag-aaway ang kaniyang ina at ang live-in partner nitong si Froilan Arogante.

Aakyat sana ang dalagita sa ikalawang palapag para tingnan ang sitwasyon nang makasalubong siya ng suspek at sapilitang dinala sa kaniyang kuwarto.

Doon na umano siya ginahasa ni Arogante. Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek.

Nakahingi ng tulong ang dalagita pero patay na ang kaniyang ina nang madatnan ng mga rumesponde. May mga pasa at malalalim na sugat sa leeg ang bangkay.

Nahuli naman sa follow-up operation ang suspek.

Inamin niyang napatay niya ang kaniyang live-in partner matapos silang mag-away dahil sa selos. Aminado rin siya na ginahasa niya ang dalagitang anak ng kaniyang kinakasama. —Dona Magsino/LDF, GMA News