Patuloy ang isinasagawang rescue operation sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga kasunod ng 6.1 magnitude na lindol. Ang isa sa mga nasagip, kinailangang putulan ng paa para mailabas sa gusali.

"Ikalawang na-recue ngayong gabi. Pero bago yan ay may isa pang nakuha na pinutulan ng paa ng rescuers para makuha sya ng buhay kahit na may mabigat na nakadagan sa kanya," saad sa Twitter post ni GMA News reporter Sandra Aguinaldo.
 

 


Sa panayam sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," ipinaliwanag ni Porac Mayor Condralito dela Cruz, na kailangang putulan ng paa ang biktima para mailabas sa guho at madala sa ospital bago siya maubusan ng dugo.

Idinagdag ng alkalde na ipinaalam muna nila sa pamilya ng biktima at humingi ng pahintulot kaugnay sa ginawang pagsagip.



Hinala ng alkalde, nasa apat o lima pa ang posibleng nasa loob ng guho.

Pero aminado siya na hindi pa tiyak kung ilan talaga ang natitira sa loob ng gusali.

Sa hiwalay na Twitter post naman ni Super Radyo dzBB report Alan Gatus, na may isang lalaki at isang babae na nasagip din sa guho.

 

 


Una rito, sinabi ni Porac, Pampanga vice mayor Dexter David sa panayam ng GMA News "24 Oras," na posibleng 40 katao ang pinapangambahang nakulong sa gumuhong apat na palapag na supermarket.

 

 


Sa magkahiwalay na barangay sa naturang bayan ng Porac, dalawang bata ang nasawi.

Sa ulat naman ng GMA News "Saksi," isang maglola umano ang nasawi nang madaganan sa Lubao, Pampanga.

Sa ulat naman ng Reuters, sinabi ni Pampanga Gov. Lilia Pineda, tatlong katawan umano ang nakuha sa gumuhong supermarket.

"We believe there are still people trapped in the four-storey building," anang gobernador.

Dahil may mga poste na natumba,  ilang lugar sa Pampanga ang nawalan ng suplay ng kuryente.

Sa Clark International Airport sa Pampanga na napinsala rin ng lindol, nasa pito katao umano ang nasaktan nang matamaan ng mga nabasag na salamin.-- FRJ, GMA News