Dalawang katao ang patay matapos ang walang habas na pamamaril ng isang lalaking lulong umano sa droga sa Barangay Little Baguio, San Juan City, na ginamitan pa ng tear gas nang paulanan din niya ng bala ang pulisya.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Roberto Bañez.

Nakatanggap ng tawag ang mga awtoridad tungkol sa insidente ng pamamaril pasado 8 p.m. nitong Martes.

Inabot ng humigit kumulang dalawang oras na pakiusapan at palitan ng putok bago naaresto si Bañez.

Lupaypay na siya nang matagpuan matapos siyang gamitan ng tear gas, saka siya dinakip.

"At nu'ng papasukin namin, talagang bawat pasok namin, bawat ano namin sa gate niya, talagang pinapasalubungan kami ng putok at talagang maraming putok. Salamat nga sa Panginoong Diyos dahil wala man lang sa amin kahit sa amin na nagalusan," sabi ni Police Colonel Ariel Fulo, San Juan Chief of Police.

Tumambad sa mga operatiba ang dalawang katawang nakahandusay nang pasukin na nila ang bahay.

Nasawi ang kapatid ng suspek na si Bong Bañez.

Isinugod pa sa ospital ang isang kapitbahay na kinilalang si Maria Teresa Torrepalma ngunit agad din siyang binawian ng buhay.

Nakatakas ngunit sugatan mula sa pamamaril ang family nurse na si Rhea Mataba.

"We are still in the process of conducting investigation para po malaman natin talaga kung ano 'yung nag-trigger sa kaniya para maging bayolente siya," sabi pa ni Fulo.

Sinabing kolektor ng mga baril si Bañez at dati nang nadakip dahil din sa pamamaril.

Sinabi ng kaniyang mga kamag-anak, na tumangging magpakilala sa camera, na lulong din umano sa iligal na droga si Bañez.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa insidente, samantalang nasa kustodiya na ng San Juan Police ang salarin.

Mahaharap sa patong patong na kaso ang suspek, na hindi pa makausap sa kasalukuyan dahil sa epekto ng tear gas. — Jamil Santos/MDM, GMA News