Apat katao ang sugatan matapos maaksidente ang isang trak ng bumbero na reresponde sana sa isang sunog sa Quezon City nitong Miyerkoles nang gabi, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes.

Nawalan daw ng preno ang trak habang papunta sa isang sunog kaya nawalan ng kontrol ang driver nito sa Vialago Street sa Barangay Bagong Silangan. Bago tumagilid ay nasagi nito ang isang SUV at dalawang tricycle.

Isang tricycle ang naipit ng tumagilid na trak.

"Based dun sa nakita namin... kasi nawalan daw siya ng brake, so nung pababa na siya mabulusok na yung kanyang andar," ani Joy Bollena, barangay administrator.

Kinilala ang driver ng trak na si SFO1 Jomar Arididon.

"Yung mga nakasakay dun sa tricyle ay tumalon, so hindi naman po naapektuhan yung mga pasahero," ani Bollena.

Kabilang sa apat na nasugatan ang assistant sa trak na si SFO1 Paule at mga driver ng tatlong tricycle na nasangkot sa aksidente. Agad silang dinala sa ospital.

Napag-alaman na accident prone ang lugar na pinangyarihan ng aksidente.

"Kasi pabulusok talaga ito eh. Pababa siya. So madalas na nagiging cause yung nawawalan ng brake," ani Bollena.

Tumangging magbigay ng komento ang Bureau of Fire Protection at ang driver ng trak ng bumbero. —KBK, GMA News