Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isa umanong illegal recruitment agency sa Binondo, Maynila para maprotektahan laban sa mga mapagsamantala at manloloko ang mga nais na magtrabaho sa ibang bansa.
Sa pahayag ng DMW, sinabing ipinasara sa pamamagitan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ang naturang agency dahil sa kawalan nito ng wastong lisensiya.
Ayon kay MWPB Director Atty. Eric Dollete, nag-alok ang agency ng mga trabaho sa Japan, New Zealand, Canada, at Australia, kahit na wala itong aprubadong job orders.
Nanghihikayat din umano ang agency ng mga aplikante sa pamamagitan ng social media, at nag-aalok ng mga trabaho sa pabrika at produksiyon na may buwanang sahod na mula P90,000 hanggang P100,000 sa ilalim ng tatlong taong kontrata.
Sinisingil umano ang mga aplikante ng placement at processing fees na mula P35,000 hanggang P72,500 sa pamamagitan ng online payment channels. Gayunman, hindi umano napaalis o naiproseso ang papel ng mga nagbayad
Bago pa maipasara ang agency, sinabi ng DMW na unang naaresto ang may-ari nito sa isang entrapment operation noong Marso 25, 2026, kasama ang kaniyang Russian fiancé at dalawang bodyguard.
Isinagawa ang nasabing operasyon ng DMW, Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group – Anti-Transnational Crime Unit (PNP CIDG-ATCU), at CIDG Anti-Organized Crime Unit (CIDG-AOCU).
Ngayong 2026, inihayag ng DMW na umabot na sa walong illegal recruitment agency ang kanilang naipasara.
Hinikayat ni MWPB Director Atty Romelson Abbang, ang mga nais magtrabaho sa ibang bansa na bisitahan ang official website ng kagawara, [www.dmw.gov.ph](//www.dmw.gov.ph), upang matiyak kung lehitimo ang agency at kung aprubadong job orders.
Ang mga mabibiktima ng panloloko, hinikayat na makipag-ugnayan sa Migrant Workers Protection Bureau sa pamamagitan ng Facebook page, email ([mwpb@dmw.gov.ph](mailto:mwpb@dmw.gov.ph)), or hotline (+63 2 8721-0619), para sa legal support. – FRJ GMA Integrated News

