Naantig ang damdamin ng mga netizen sa nakitang pagsuporta ng isang ama sa kaniyang limang-taong-gulang na anak nang dumalo sila sa moving-up ceremony ng isang paaralan sa Bongabong, Oriental Mindoro. Ang ama kasi, nakayapak at proud na naglakad habang magkahawak-kamay sila ng kaniyang anak.

Sa video na ibinahagi ng YouScooper na si Edward Fatallar sa GMA News, makikita ang batang si Medios Sam-Oy, mula sa Barangay Carmundo, kindergarten pupil sa Carmundo Elementary School, kasama ang kaniyang ama na si Tatay Talon, na nakasuot ng short, long sleeve na damit at walang sapin sa paa.

Kuwento ng guro na si Misie Dela Roca Gadon, masigla, mabait at palakaibigan na bata si Medios.

"Minsan lang po ay hindi nakakapasok kasi po medyo malayo ang bahay sa paaralan at kasama na rin ang kakulangan sa financial. Pero sa kabila po ng lahat ng 'yan ay napaka-supportive po ng kaniyang tatay," ayon kay ni Ma'am Misie.

Napag-alaman na bahagi ng katutubong grupo na Bangon ang pamilya ni Medios, ayon sa kaniyang guro.

Paglilinaw ni Ma'am Misie, hindi nakadalo sa graduation ni Medios ang ina ng bata kaya si Tatay Talon na lang ang sumama sa kaniya upang kunin ang diploma ng anak.

Sa naturang moving-up ceremony, nakatanggap si Medios ng "Happy Helper" award, at magpapatuloy pa siya sa kaniyang pag-aaral upang makamit ang kaniyang pangarap na maging guro balang araw.

– FRJ GMA News