Hindi bababa sa walong kumpanya ng bus ang iniimbestigahan dahil sa umano’y hindi awtorisadong pagtaas ng singil ng pamasahe. Binigyan sila ng 72 oras para magpaliwanag bago ipataw ang mga posibleng parusa, ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Martes.
Sa isang panayam sa GTV News Balitanghali, kinumpirma ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor na naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause orders laban sa mga nasabing kompanya.
“Walo po, we have already identified them kaya kahapon din po, pagbigay po ng instruksyon si Secretary Giovanni Lopez, nag-issue na po ang ating LTFRB ng show-cause order,” ayon sa opisyal.
Sinabi ni Pastor na nakadepende ang ipapataw na parusa sa magiging paliwanag ng mga kompanya ng bus. Ang parusa ay maaaring multa, suspensiyon o pagbawi ng prangkisa.
Inihayag ng mga opisyal na may 72 oras ang mga kumpanya upang sumagot, at pagkatapos nito ay susuriin ng LTFRB ang kanilang mga paliwanag.
Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng gasolina, sinabi ng DOTr na nananatiling mataas ang bilang ng mga pasahero bago ang Semana Santa.
Binanggit ni Pastor ang datos mula sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), na umabot sa humigit-kumulang 178,000 pasahero ang naitala noong nakaraang Linggo, na tinatayang 13,000 na mas mataas kumpara sa 165,000 noong kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“Marami pa rin po tayong mga kababayan na bumabiyahe… marami po talagang gustong bumiyahe nitong Semana Santa,” anang opisyal.
Pinapalakas din ng DOTr ang mga hakbang para sa kaligtasan, kabilang ang random drug testing sa mga driver at pag-inspeksyon sa kondisyon ng mga pampublikong sasakyan.
Nag-deploy din ng mga enforcer mula sa Land Transportation Office (LTO), kasama ang mga K9 unit sa mga terminal.
Upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko, sinabi ng DOTr na itinigil o tinapos na ang mga roadworks sa pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, tinatapos pa ang panukalang carpooling program, na magkakaroon ng mas mahigpit na alituntunin upang maiwasan ang pang-aabuso at ilegal na “colorum” operations.
“Binabalangkas pa po ng LTFRB at ng MMDA kung ano po ang magiging parameters dito… hinigpitan po nila ang implementasyon para hindi maabuso sa tinatawag nating colorum operations,” dagdag niya.— Sherylin Untalan/FRJ GMA News
