Patay ang isang anim na taong gulang na lalaki matapos umano siyang madamay sa habulan ng isang pulis at isang suspek sa Camarin, Caloocan, nitong Linggo ng hapon.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Gian Habal.

Kuwento ng nagdadalamhating ina ng bata na si Jessa Habal, nagpaalam lamang si Gian sa kaniya na maglalaro sa tapat ng kanilang tahanan sa Barangay 178 nang makarinig na lamang sila ng putok ng baril.

"May narinig na lang po kaming putok. Paglabas ko... anak ko... Nakabulagta sa tapat ng gate namin," ani Jessa.

Ayon sa pamilya ni Gian, tinamaan daw ang bata sa may sentido.

Samantala, ang lola ni Gian na si Elsa Montañes, pinaputukan din daw ng lalaking nakabaril sa apo.

Ayon kay Lola Elsa, nagtangka raw umalis ang lalaki kaya't pinigilan niya ito. Nagpambuno pa raw sila at nagulat na lamang siya nang bigla itong bumunot ng baril.

Sabi niya, pulis daw ang nakabaril sa kaniyang apo at sa kaniya.

"Paglingon kong ganon, nakita ko siya... Tinakbo ko 'yung tao. Sabi ko, 'Kuya, anong ginawa mo sa apo ko? Anong ginawa mo?' Hinawakan ko ho siya sa kuwelyo ng damit niya sa likod," sabi ni Lola Elsa.

"Hindi ko ho siya binibitawan... Sabi niya, 'Bitawan mo ko, bitawan mo ko...' Nakalapit na kasi siya sa motor niya. Nag-aagawan pa kami doon sa baril niya. Tapos pinaputukan niya 'yung paa ko," dagdag niya.

Labis ang dalamhati ng ina ng bata sa sinapit ni Gian na pangarap pa naman daw maging isang pulis.

"Si Gian Habal, mabait, masunurin, mapagmahal sa kapatid... masayahing bata, makulit lang... matulungin dito sa bahay," sabi ni Jessa.

Samantala, lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na si Police Corporal Rocky Delos Reyes ang pulis na sangkot sa insidente.

Pauwi na raw si Delos Reyes nang mamataan niya ang suspek na si alyas Botchok.

"Ayon po doon sa pulis at nakausap ko kanina bago siya sumuko, meron siyang hinahabol na wanted person. Paghabol po niya, pinutukan siya nu'ng suspek na may warrant of arrest so walang ibang nagawa 'yung pulis natin kung hindi mag-retaliate po," sabi ni Police Major Celso Sevilla, hepe ng Caloocan Police Community Precinct Station 5.

Umamin din daw si Delos Reyes na siya ang nakabaril kay Lola Elsa.

"Ayon sa pulis natin, nung time na naramdaman niya na kukuyugin siya ng mga tao, ang last resort niya ay magpaputok siya ng baril doon sa baba at accidentally 'yung lola ng namatay na bata, tinamaan sa paa," sabi ni Sevilla.

Sumuko kagabi si Delos Reyes at sa kasalukuyan, siya ay nasa custodial facility ng Caloocan Police Headquarters.

Tumanggi na itong magbigay ng pahayag tungkol sa nangyaring insidente.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad si Botchok.

Iniimbestigahan din kung ang pulis ba talaga o ang suspek ang nakabaril sa bata.

Ballistic examination

Ayon kay Police General Oscar Albayalde, hepe ng Philippine National Police, sasailalim sa ballistic examination ang baril ni Delos Reyes at kung mapatunayang siya nga ang nakabaril sa bata, sinigurado ni Albayalde na makakasuhan ito.

"Pina-submit na natin 'yung baril ng pulis at it will undergo ballistic examination. Kung siya ang nakatama talaga, I'm sure mafa-file-an 'yan not only of administrative charges but also criminal charges," sabi ni Albayalde sa isang pulong-balitaan nitong Lunes.

Nagpaabot din ng pakikiramay si Albayalde sa pamilyang naiwan ni Gian.

Nakiusap din siya sa publiko na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon bago sisihin ang pulis.

"That's very unfortunate. We condole with the family nu'ng bata. We want to assure the public na 'yung pulis na 'yun though wala pa po findings 'yan na siya po ang nakatama...," sabi ni Albayalde.

"There was a shootout. Ang mahirap kasi sa atin kapag may tinamaan na mayroong crossfire with the suspect and the police, palagi po nating assumption na 'yung pulis ang nakatama. Huwag naman sanang gano'n. Let's wait for the investigation," dagdag niya. —Anna Felicia Bajo/KBK/KG, GMA News