Tinatayang 500 bahay ang naabo at 1,000 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na naganap sa Barangay Baesa sa Quezon City. May hiwalay na sunog din na naganap sa Barangay Bahay Toro.
Bukod sa mga bumbero, tumulong na rin sa pag-apula sa apoy ang mga residente na kumukuha na lang ng tubig sa drainage kahit marumi.
Umabot sa Task Force Alpha ang naturang sunog na idineklarang under control dakong 8:25 pm.
Tinatayang aabot umano sa P2 milyon ang halaga ng pinsala, ayon kay F/Sr. Supt. Jaime Ramirez, QC Fire Marshal.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng apoy na una raw nakita sa kusina ng isa sa mga residente.
Habang abala ang mga bumbero sa pag-apula sa sunog sa Baesa, nagkasunog naman sa Barangay Bahay Toro sa nabanggit ding lungsod.
Nakontrol ang sunog dakong 7:30 p.m., kung saan nasa 50 bahay ang nadamay at nasa 80 pamilya ang naapektuhan.-- FRJ, GMA News

