Murder ang isa sa mga kasong inirekomenda ng piskalya laban sa pulis na sinasabing nakabaril sa 6-anyos na bata sa Caloocan, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa News To Go nitong Miyerkoles.

Maliban sa murder, mga kasong attempted murder, illegal possession of firearms at violation of the Omnibus Election Code ang inirekomenda ng piskalya laban kay Corporal Rocky Delos Reyes.

Sa inquest proceeding, positibong kinilala ng mga kaanak ng biktimang si Gian Habal at ng isang saksi na si Delos Reyes nga ang siyang bumaril sa bata.

Tumanggi si Delos Reyes, na isang pulis Caloocan, na sumagot sa piskal at humingi ng abogado.

“No comment po. Sa korte na lang po kami magharap,” ani Delos Reyes.

Ayon sa unang kuwento ng suspek, nakabarilan daw niya ang tinutugis niyang drug suspek at hindi raw siya tiyak kung sino sa kanila ang nakabaril sa bata.

Bagamat nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, sabi ng hepe ng Caloocan Police na tila hindi tatayo sa korte ang salaysay ni Delos Reyes.

“Wala man nakakita na nagkaroon ng barilan dun sa lugar. Nagkataon na itong pulis natin ay siya yung nandun may hawak-hawak na baril, so malakas yung posibilidad na siya yung pinanggalingan ng bala na pumatay dun sa bata,” sabi ni Caloocan Police chief Police Colonel Restituto Arcangel.

Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng caliber 45, na siya ring uri ng baril na ginagamait ni Delos Reyes. Hinihintay pa ang ballistics test para matukoy kung sa kanya nga galing ang mga bala.

Hinihintay pa rin ang autopsy report.

Ayon sa pulisya, nasampahan ng kasong administratibo si Delos Reyes dahil sa indiscriminate firing noong nakaraang taon.

“Inimbitahan siya sa isang birthday. And then habang nandun sila bilang bisita, pinagbabato yung bahay kung nasan sila, so lumabas siya, so nagpaputok siya,” ani Arcangel.

Bukod dito, nitong Enero lang inireklamo naman si Delos Reyes dahil sa pag-inom habang naka-duty.

Nagsasagawa rin daw ang Commission on Human Rights (CHR) ng sariling imbestigasyon sa insidente. —Joviland Rita/KBK, GMA News