Isang Nigerian national ang nasawi, at pitong iba pa ang naaresto matapos salakayin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang kanilang tinutuluyan sa isang subdibisyon sa Imus, Cavite. Ang mga dayuhan, sangkot daw sa iba't ibang uri ng panloloko tulad ng "love scam" sa social media.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang pagsalakay ng NBI Cybercrime Division sa unit ng mga Nigerian matapos silang makapasok sa subdivision.

Nakorner agad ang anim na Nigerian, pero nagtangkang tumakas ang isa nilang kasamahan na tumalon mula sa ikalawang palapag ng balcony at nagtago sa madamong lugar.

Pero kinalaunan ay nasakote rin siya.

Isa naman ang nagtangka pang paputukan ng baril ang isa sa raiding team pero naunahan siyang barilin ng operatiba.

Isinugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Sinabi ng NBI na kabilang ang mga naaresto sa isang malaking sindikato ng Nigerian scammers sa bansa, na nagre-recruit ng mga bagong Nigerian at nagtuturo kung paano makakapambintika tulad ng love scam, investment scam at credit card cloning.

"Marami tayong paraphernalia at computers na nakuha, makikita mo doon kung paano sila mang-hack. Inii-scam nila hindi lang individuals, pati mga kompanya, and again using government institutions in victimizing 'yung mga companies at individuals," sabi ni Atty. Vic Lorenzo, Chief, NBI Cybercrime Division.

Tumambad sa NBI Cybercrime Division ang mga bugkos ng pekeng pera na sa labas ay mukhang dolyar pero sa loob ay mga ginupit gupit lamang na mga diyaryo, pati na rin ang mismong script na ginagamit ng sindikato.

Tuloy-tuloy ang isinasagawang forensic examination ng NBI para mahanap pa ang ibang mga kasabwat ng grupo.

Narekober din sa unit na ginawa nilang hideout ang isang 9mm na baril, isang granada, mga sim card at pekeng dokumento na gamit sa pang-i-scam. KInumpiska rin ang mga gadgets, cellphone, skimming device at mga pekeng ID na ginagamit ng mga dayuhan.

Aminado ang isa sa mga suspek sa kanilang gawain.

"Online work like blogging, to earn money, like you create sites," sabi ni Agbaesu Casmir.

Ilang ID rin ng mga Pilipina na natagpuan ang iniimbestigahan na mga kasabwat umano ng mga dayuhan sa kanilang operasyon.

Hinikayat ng NBI ang mga nakabiktima ng grupo na magtungo sa kanilang tanggpan para makapagsampa ng reklamo laban sa mga dayuhan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News