Hindi naging hadlang ang kanilang mga kapansanan at edad upang hindi nila magampanan ang kanilang karapatan sa pagpili ng mga ihahalal na opisyal ngayong #Eleksyon2019. Ang isa sa kanila, putol ang mga braso.
Sa Facebook post ni GMA News' Joseph Morong, ipinakita ni Patricio Gabut ang indelible ink na inilagay sa putol niyang braso na magpapakita na tapos na siyang bumoto sa Davao.
Sa kuha naman ni YouScooper Rodel Urian, MDRRMO Lasam, sinabi nito na tumulong ang ilang miyembro ng BFP Lasam sa Cagayan sa pag-alalay sa mga senior citizen at PWD para makaboto sila nitong Lunes.
Isang 47-anyos naman na lalaki na may dystonia o neurological disorder na nakaaapekto sa muscles ang bumoto sa Bulacan, kasama ang kaniyang anak.
Ang mga botante na may kapansanan at hindi na kayang punan o sumulat sa kanilang balota ay pinapayagan na ang kanilang pinagkakatiwalaan na tao ang magsi-shade sa iboboto nilang kandidato.
Bagaman may mga itinalagang Emergency Accessible Polling Place (EAPP) sa ground floor ng mga botohan, may ilang senior citizens at PWD umano ang handang umakyat upang gampanan ang kanilang karapatan na bumoto.
--FRJ, GMA News
