Dinakip ang isang lalaking papasakay sa North Avenue Station ng MRT3 matapos makita sa X-ray machine ang isang magazine at walong piraso ng bala ng 10 mm. na baril sa kaniyang bag nitong Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Don Ray Adina, na inaresto bandang alas-8 ng umaga nang sitahin siya ng security guard na X-ray machine operator sa southbound ng North Avenue Station, ayon sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB sa Balitanghali.

Na-detect aniya ang kahina-hinalang bagay na dala ni Adina sa kaniyang bag.

Walang ibinigay na paliwanag ang lalaki sa dala-dala niyang mga bala, at patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Regional Mobile Force Battalion ng PNP sa Shaw Boulevard ang suspek, na posibleng maharap sa kasong paglabag sa illegal possession of ammunition. — MDM, GMA News