Isang lalaki ang nasawi matapos siyang paluin ng dos por dos sa ulo ng kaniyang kainuman, na kaniya namang sinaksak sa Barangay San Jose, Antipolo City. Ang ugat umano ng kanilang alitan, selos.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang habulan at pakikipambuno ng dalawang lalaki madaling araw ng Huwebes.
Ilang saglit pa, hinataw ng umaatras na lalaki ng kahoy ang lalaking humabol sa kaniya. Ang humahabol namang lalaki, tuloy-tuloy sa pagsugod at pag-unday sa kaniya ng saksak.
Muling nakunan ang dalawang lalaki nang makipambuno sila sa bangketa.
Kalaunan, humandusay sa bangketa si “Jose,” hindi niya tunay na pangalan, na duguan matapos magtamo ng mga saksak.
Duguan din ang ulo ni alyas “Miguel,” na siya namang nanaksak at nakaaway ni Jose.
Katabi ng dalawa ang isa pang lalaki na kaibigan umano ni Miguel.
Dinala si Jose sa ospital matapos magtamo ng anim na saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan. Ang nanaksak namang si Miguel, nawalan ng malay sa kalsada at namatay kalaunan.
Sinabi ng pulisya na bago ang insidente, nag-iinuman sina Jose, Miguel at nobya nito, at isa pang kaibigan. Hanggang sa napansin umano ni Miguel na nag-chat ang kaniyang nobya sa cellphone ni Jose.
“Gamit ang cellphone niya, nasa likod na nila ‘yung suspek. Kinompronta nitong suspek itong biktima at pilit kinukuha ‘yung cellphone nitong biktima. But the victim resisted. And sa pag-resist, doon na nagkaroon ng pag-aaway,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Mark Henry Garcia, Chief ng Antipolo Police.
Nabasa umano ng suspek ang chat ng kaniyang girlfriend sa cellphone ni Jose.
“Ang chat pa ng girlfriend ko ‘Paano ako?’ Tapos inagaw niya sa akin ‘yung cellphone niya, ‘Huwag kang nagbabasa ng chat,’” sabi ni Miguel.
Matapos umanong komprontahin ni Miguel ang biktima, sabi nito sa kaniya, “Hindi ko naman iuuwi ang syota mo eh.’"
"Eh siyempre ako po, nag-init po ako, sinampal ko po siya. Hindi ko alam na may patalim siya. Hinugutan na niya ako, pinagsasaksak niya na po ako,” sabi ni Miguel.
Humihingi ng tawad sa pamilya ng nasawi ang suspek, na nakabilanggo at na-inquest na para sa reklamong homicide.
“Pinagtatanggol ko lang ‘yung sarili ko dahil sinaksak niya po ako,” sabi ng suspek.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng pamilya ng biktima. — Jamil Santos/VBL GMA News
