Tatlo katao na nag-withdraw ng mahigit P1.6 milyon mula sa bangko ang tinambangan at hinoldap sa sakay nilang kotse sa Bukidnon. Ang pera, natangay ng armadong grupo.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV na iniulat sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, lumabas sa imbestigasyon na nagmula sa isang bangko sa Libona ang tatlong sakay ng kotse.

Idedeposito sana nila ito sa isang bangko sa Manolo Fortich.

Hanggang sa may armadong grupo umano na nag-abang sa kanila sakay ng itim na pickup truck.

Humantong ito sa engkuwentro matapos gumanti ng putok ang guard na kasama ng mga biktima.

Nang maubusan sila ng bala, doon na lumapit ang mga suspek at tinangay ang dala nilang pera.

Ligtas ang tatlong biktima.

Natagpuan ng mga awtoridad ang pickup malapit sa pinangyarihan ng insidente sa follow-up operation.

Patuloy ang pag-verify ng mga awtoridad sa natukoy na person of interest.

Isa sa tinitingang anggulo ng pulisya ang inside job. — Jamil Santos/VBL GMA News