Sugatan ang isang estudyante matapos siyang masagasaan ng isang van habang tumatawid sa pedestrian lane sa San Mateo, Rizal. Ang nakabanggang driver ng van, pinagpapaliwanag na ng LTO at suspendido na ang kaniyang lisensya.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang estudyanteng naglalakad sa pedestrian lane, kaya huminto ang jeep at nakatawid ang bata sa General Luna Avenue noong Huwebes.

Pero ilang saglit pa, nagdire-diretso ang isang van kaya nabundol ang bata, na nasa tamang tawiran. Tumigil ang van at pinuntahan ng driver ang batang biktima.

Saktong may hospital sa tapat ng tawiran kaya agad naipatingin ang biktima.

“Nakita po namin na conscious pa 'yung bata kaya agad din po kaming nagpatawag ng volunteer doctor para tingnan 'yung bata, kung ano 'yung kaniyang kalagayan. At agad din tayong nagpatawag ng ambulansiya,” sabi ni Raquel Orteza, admin aide ng DPOS San Mateo.

"Magkasunod kasi itong SUV at saka passenger jeep. Noong huminto itong passenger jeep, kasi may dadaan na mga pedestrian natin, nag-overtake itong SUV at hindi niya napansin na may papatawid na bata. 'Yun nasagasaan niya itong bata," sabi ni Police Lieutenant Colonel Armel Tabaog, Chief ng San Mateo MPS.

Sinabi ng San Mateo Police na nagtamo ng galos ang bata.

Sinagot naman ng driver ang gastusin ng bata sa ospital.

"Paalala sa mga driver, hindi tayo ang priority sa pedestrian lane, iyong pedestrian o iyong tumatawid ang priority diyan so obligado silang huminto… Marami pong mga driver natin ang pasaway hindi nila nirerespeto 'yung pedestrian lane kaya 'yan ho nangyayari," sabi ni Asec. Markus Lacanilao, Chief ng LTO.

Batay sa Land Transportation and Traffic Code, ang mga driver ng anumang sasakyan na tumatahak sa mga highway sa mga business o residential district ang dapat magbigay sa mga tumatawid sa mga crosswalk, maliban sa mga intersection kung saan minamanduhan ng peace officer o traffic signal ang trapiko.

Kapag walang tawiran, ang mga motorista naman ang may right of way.

Nagpadala ng LTO ng show-cause order sa driver ng van.

Suspendido rin ng 90 araw ang lisensiya ng driver habang iniimbestigahan.

"Kasalukuyan ho naka-alarm na 'yung sasakyan, mabigat po 'yan ma’am kasi reckless 'yan, mabigat 'yung kaniyang parusa diyan (Kahit nagka-aregluhan na raw po?) Opo ma'am kasi iba naman po 'yung sa complainant, iba naman sa amin sa government," sabi pa ni Lacanilao.

Sinabi ng LTO na depende sa resulta ng kanilang imbestigasyon kung papatawan ng driver ng mas mahabang suspension o revocation ng lisensiya. — Jamil Santos/VBL GMA News