Matapos ang magaling niyang pagganap sa “Apoy sa Dugo,” nagbabalik si Derrick Monasterio sa kaniyang theater era, na bumibida bilang si Crisostomo Ibarra sa stage musical na “Ibarra...Ngayon.”
“I guess as a better person. Kasi tinuruan ako nito ng disiplina. Tinuruan akong mahalin ang aking bayan. Kasi like sa mga past interviews ko sinasabi ko na parang I feel hopeless dito sa nangyayari sa Pilipinas. Pero as Ibarra hindi dapat ganu’n. Dapat hopeful ka pa din,” sabi ni Derrick sa panayam sa kaniya ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Present sa opening night ng musical ang kaniyang nobya at leading lady sa Apoy sa Dugo na si Elle Villanueva.
“Yes, I am inspired. Alam mo, iniisip ko pa nga lang, kaya ko ba 'yung ginagawa niya? Kasi live ‘yun. Ang dami niyang ime-memorize na script. Bawal siya magkamali. Kailangan makaisip ka kaagad ng paraan kung nagkamali ka,” sabi ni Elle.
Dumalo rin si Pinky Amador, na gumanap bilang nanay ni Derrick sa serye, at isang veteran stage actress.
Aprubado niya ang pagganap ni Derrick.
“Super, super proud. Congratulations, anak Derrick. You nailed it,” sabi ni Pinky.
Naroon din ang mga kaibigan ni Derrick mula sa Sparkle upang suportahan ang panibagong hakbang sa kaniyang career.
“Hindi ko puwedeng palampasin itong part ng career ni Derrick na ‘to. Kasi kailangan suportahan ng mga kaibigan,” sabi ni Miguel Tanfelix.
“Derrick has a soft spot for theater, for plays. Kaya alam namin na iba talaga 'yung puso na nilagyan niya dito. We know how much this means to him,” sabi ni Ysabel Ortega.
Samantala, baon ni Derrick ang maraming leksyon at alaala habang ginagawa ang “Apoy sa Dugo.”
“Grabe rin 'yung journey na pinagdaanan namin sa ‘Apoy sa Dugo.’ Very, 'yung rollercoaster of emotions namin. And it's heavy drama kaya medyo nakakapagod din. And dumating 'yung time na sumasabay pa siya sa rehearsals ng ‘Ibarra.’ So, wala na lang talagang tulog,” sabi ni Derrick. — Jamil Santos/VBL GMA News
