Ilang mga Pinoy ang naghayag na gusto na nilang mag-migrate o tumira sa ibang bansa matapos lumabas ang resulta ng eleksyon 2019, at marami rin ang nag-Google ng mga salitang "migrate" at "migrating."
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing hindi na bago sa ilang Pinoy ang kagustuhan na mag-migrate, na nakikita nila bilang paraan para makamit ang asensong matagal na nilang inaasam-asam.
"Mas [malaki] kasi talaga 'yung kita, sweldo, gano'n. Dito kasi wala eh," anang isang Pinay.
"Mas gugustuhin kong mangibang bansa para din sa pamilya ko. Siyempre katulad ngayon, 'yung iba nagmi-minimum ng sahod," sabi pa ng isang Pinay.
Ayon sa mga datos, aabot sa 1,000 kada araw ang nangingibang bansa.
Pero ang iba, iba ang pananaw kung bakit naging maingay ang kagustuhan ng mga kapwa Pilipino na mag-migrate.
"Tutol po 'yung ibang estudyante sa mga nanalo 'yung partial po na [resulta] kasi bakit daw po may mga ganu'n," saad ng isang binata.
Nakikita ni Professor Jean Franco, Assistant Professor ng Department of Political Science sa U.P. Diliman, na ang pag-trending ng kagustuhang mag-migrate ay panandalian lamang, ngunit senyales ito ng kawalang-pag-asa o hopelessness.
"Para sa akin kasi, 'yun lang 'yung reaksyon nila, panandaliang reaksyon du'n sa resulta ng eleksyon at 'yung naantala rin 'yung pag-report ng results ng Comelec. So 'yun lang 'yun kasi in the past nangyari na rin 'yun, pero hindi naman natin alam kung talagang nag-migrate sila," sabi ni Prof. Franco.
Idinagdag pa niya na ang magagawa ng mga Pilipino ay bantayan ang mga mananalo, at magtulong-tulong para sa ikauunlad ng bansa, ano man ang kahihinatnan ng resulta ng eleksyon. —Jamil Santos/LBG, GMA News
