Nakuhanan sa CCTV ang pamamaril ng riding in tandem sa isang pulis na AWOL (absent without leave] sa Quezon City. Ang biktima, hindi na raw nag-report sa duty nang madedestino raw sana sa Mindanao.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing pasakay na sa kaniyang sasakyan ang biktimang si Melvin Castillo na nakaparada sa N.S. Amoranto Senior Street sa Barangay Salvacion nang dumating ang mga salarin nitong Miyerkules ng gabi.
Sunod-sunod na putok ng baril ang pinakawalan ng mga salarin bago tumakas.
Hindi na nahagip ng CCTV ang sumunod na nangyari pero nakatakbo pala ang biktima sa loob ng isang malapit na kainan.
“Nakita na po namin nakatihaya na po sa loob ng restaurant tapos binuhat na lang po namin. Ibinaba po namin sa ambulansya,” sabi ng barangay tanod na si Enrique Diaz.
Hindi naman nasugatan ang parking attendant na kasabay ng biktima nang mangyari ang insidente.
“Tumambay pa kami dyan dahil kasi nga pasakay na siya ng sasakyan dapat nang biglang may dumaan na motor. Bigla na lang siya binaril. Sa takot ko, nagtago na rin ako kasi pumuputok na eh,” sabi ng parking attendant na tumangging magpakilala.
Dahil sa tama ng bala, kinailangang operahan ang biktima.
Inaalam pa ng Quezon City Police District kung may kaugnayan ang dating trabaho ng biktima sa motibo sa pamamaril.
“Ang last na assignment niya accordingly sa RPIOU (Regional Police Intelligence Operatives Unit). Kasama 'yan sa titingnan namin sa investigation niya bakit siya nag-AWOL. Pero initially may nagsabi kasama siya sa ire-reassign sa Mindanao kaya nag-AWOL siya,” sabi ng La Loma Police Station commander na si Lieutenant Colonel Camlon Nasdoman
Hindi malinaw ang kuha ng CCTV sa mukha ng mga salarin na kapwa nakasuot ng helmet. Wala ring saksi ang makapagsabi ng plaka ng motorsiklong ginamit ng mga suspek.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News
