Inaresto ng mga awtoridad ang 17 na suspek sa Maynila sa magkakahiwalay na drug buy-bust operation nitong Martes.

Nasabat sa mga suspek ang 285 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang may P2 milyong halaga, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Unang nahuli ang anim na suspek sa isang buy-bust operation sa Kahilom Street sa Pandacan.

Itinuro nila ang kanilang pinagkukuhanan ng droga kung kaya't inaresto ng mga pulis-Maynila ang mag-live-in partner na sina Love Torres at Aron John Dela Cruz sa isang kuwarto sa isang apartelle sa Pandacan.

Nakuha sa kanila ang 85 gramo ng hinihinalang droga.

Aminado ang dalawang suspek na sila ay nagtutulak ng droga at ginawa lamang nila ito dahil sa kahirapan.

Itinuro naman nina Torres at Dela Cruz ang kanilang supplier ng droga na naging subject ng panibagong buy-bust operation.

Naaresto sa ikatlong operasyon ang isang 17-anyos na dalaga at ang kanyang ama sa Paco Market.

Nakuha sa mag-ama ang 100 gramo ng hinihinalang shabu.

Ang mag-ama naman ay itinuro ang kanilang supplier na mula sa Quiapo.

Nagsagawa muli ng buy-bust operation ang mga pulis at naaresto sa loob ng isang kotse ang umano'y supplier ng mag-ama na si Anwar Umpara.

Nakuha naman kay Umapra ang tinatayang 100 gramo ng hinihinalang droga.

Ayon kay Umpara, napag-utusan lamang siya na ihatid ang kontrabando.

Nagkasa muli ang mga pulis ng isa pang buy-bust operation kung saan anim na suspek ang nadakip.

Ayon kay Police Captain Pidencio Saballo, hepe ng Drug Enforcement Unit ng Pandacan Police Station, mukhang konektado at magkakakilala ang mga suspek. 

Isasailalim sa inquest proceedings ang 17 na suspek para sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KG, GMA News