Hinandugan ng Unang Hirit ng mga gamit pang-eskwela si Yvo, ang limang-taong gulang na batang ulila na nag-viral kamakailan, para sa unang araw niya bilang estudyante ngayong pasukan.

Ayon sa ulat ni Rhea Santos sa Unang Balita nitong Lunes, hindi na raw naasikaso ng lola ni Yvo na si Lola Nelly ang pagbili ng gamit pang-eskwela ng bata dahil nakaburol pa ang tatay nito.

Nag-viral kamakailan ang mga litrato ni Yvo kung saan makikita siyang nakatabi sa kabaong ng kanyang Papa Tin na namatay sa isang aksidente.

Ulilang lubos na si Yvo dahil pumanaw na rin ang kanyang ina noong pitong buwang gulang pa lang siya. 

Isang araw matapos ang libing ng kanyang Papa Tin, nakatakda nang pumasok si Yvo sa eskwelahan bilang kinder student gamit ang mga kagamitang handog ng Unang Hirit.

Bilang paghahanda para sa kanyang first day of school, sinukat na ni Yvo ang kanyang uniporme at bagong sapatos.

Ayon kay Lola Nelly, sisikapin daw niyang kayanin ang bago niyang responsibilidad kay Yvo. “Kailangan kayanin,” aniya.

Kahit wala nang mga magulang si Yvo, sisiguraduhin naman ng mga kaanak niya na pupunan nila ng pag-aaruga ang pangungulila ng bata.

“Siguro wala na siyang mama, wala na siyang papa pero kaming mga tito niya at lola niya pupunan namin yung pagmamahal na deserve niya,” ayon sa tiyuhin ni Yvo na si Marco Andres, na siyang uploader ng nag-viral ng mga litrato. —Joviland Rita/KBK, GMA News