Duguang nakasubsob sa loob ng kaniyang taxi nang matagpuan ang bangkay ng isang taxi driver sa Pasay City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Eduardo Egan, na nagtamo ng dalawang saksak sa leeg at isa sa pisngi.
Nawawala ang cellphone ng biktima at dash cam sa taxi, ayon sa pulisya.
Hindi naman natangay ang wallet at pera ng biktima, na mayroong pitong anak na naiwan.
Ang misis ni Egan na si Jacqueline, nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang mister.
"Pangulong Duterte, tulungan ninyo po kami. Sana po mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng asawa ko. Napakabuti po ng asawa ko. Wala 'yang inaagrabyadong tao," hinanakit niya.
Kuwento ng isang barangay tanod, dakong 10:00 p.m. nitong Miyerkoles nang makita nila ang taxi na nakaparada sa FB Harrison Street sa Pasay na nakabukas ang ilaw.
Nang lapitan nila, nakita nila ang biktima na nakasubsob sa loob ng sasakyan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.--FRJ, GMA News
