Naputol ang katawan ng isang babae nang masagasaan ng truck sa Quezon Boulevard, southbound, malapit sa Quiapo nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB ni Isa Avendaño-Umali, nakaladkad ang babae malapit sa Alfredo Mendoza St. sa panulukan ng Quezon Boulevard malapit sa Central Market.

Sa inisyal sa imbestigasyon, may nasalpok na motorsiko ang isang kotse at may tumilapon na babae at nagulungan ng isang 14-wheeler truck.

Isang lalaki, na pinaniniwalaang kasama ng babae, ang dinala sa ospital.

Ayon sa Manila Traffic Division ng Manila Police District, nakasakay sila sa motorsiklo, nang mahagip ng kotse hanggang sa tumilapon ang babae at nagulungan ng truck dakong 5:30 ng umaga.

Nakarehistro sa isang Julius Mendoza ang motor.

Inaalam pa kung ang lalaking biktima ang siyang may-ari ng motor at kung ano ang relasyon nila ng nasawing babae.

Dinala naman sa presinto ang driver ng truck na si Rey Ann Fajardo.

Tumakas naman ang kotseng nakasalpok sa motorsiklo.

Patuloy pang inaalam ang pagkakilanlan ng babae at ang imbestigasyon sa insidente. —LBG, GMA News