Tutuparin umano ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibaba ang limang minuto lang ang biyaheng Cubao-Makati sa Edsa. Ang isa sa mga plano nilang gawin, isara ang mga bus terminal sa Edsa.

“Lahat ng terminal along EDSA will be closed. Bahala na, basta walang terminal,” sabi ni PNP-HPG Director Brig. Gen. Roberto Fajardo nang makapanayam sa “Angkas Pilot Run” sa Quezon City nitong Lunes.

Nakikipag-ugnayan na umano ang PNP-HPG sa mga maapektuhan ng plano at mga kinauukulang ahensiya pero wala pang eksaktong petsa kung kailan maipatutupad.

“Coordinated ‘yan with MMDA (Metropolitan Manila Development Authority), LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board)—lahat,” ayon kay Fajardo.

Nitong nakaraang Marso, sinabi ng MMDA na nais nitong maipatupad ang pagsasara ng mga bus terminal sa EDSA sa Hunyo matapos aprubahan ng Metro Manila Council ang resolusyon para sa naturang usapin.

Kasama sa naturang resolusyon ang pagbabawal sa mga provincial bus na dumaan sa Edsa pero may mga petisyon sa Korte Suprema para harangin ang pagpapatupad ng naturang kautusan.

Ayon kay Fajardo, susundin nila kung ano man ang magiging pasya ng korte.

Kasabay nito, sinabi ni Fajardo na posibleng maisagawa ang 5-minute travel time sa Cubao (Quezon City) hanggang Makati City kahit bago pa sumapit ang Disyembre, gaya ng ibinigay na deadline ni Pangulong Duterte.

“We will comply with the order of the President. Sabi ni President by December, so kaya namin before," kompiyansang sabi ni Fajardo.

Bukod sa pagsasara ng mga bus terminal sa Edsa, sinabi ni Fajardo na plano ring ipatupad ng PNP-HPG sa EDSA paglilipat ng mga bus barriers at motorcycle lane.

Ayon kay Fajardo, sinusubukan nila ang bilis ng biyaheng Cubao-Makati sa off-peak hours.

“Tinira namin ‘yun, madaling araw nga lang, 1:00 a.m., boundary of Guadalupe going to Cubao. Wala namang sinabi si Presidente kung saan nagmula,” saad niya.

Ginagawa raw nila ito nang walang kasamang escort at pribadong sasakyan ang gamit nila.--FRJ, GMA News