Hinimok ng Department of Energy (DOE) ang mga supplier na itigil ang pagre-refill ng LPG sa butane canisters dahil maaari itong  magdudulot ng sunog.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras," iniulat ang pagkasunog sa Panabo Public Market sa Davao Del Norte na nagsimula umano sa mga ilegal na LPG-refilled butane canisters bago matapos ang Abril.

Bago ang insidente, may nasunog ding mini dumptruck sa national highway sa Dauin, Negros Oriental, na ayon sa ulat ng Dauin Police ay nagmula sa mga kargang refilled butane cans na ibibyahe sana sa Negros Occidental.

Daang libong LPG-refilled butane canisters din ang nakumpisa ng mga awtoridad sa Danao City sa Cebu nito lamang nakaraang linggo.

Noon namang Disyembre, nakumpiska rin ang mga ipinagbabawal na refilled canister sa Talisay City sa Cebu.

Umabot na sa mahigit 90,000 na filled canisters at mahigit 190,000 na empty canister ang nakumpiska ng DOE at PNP sa kabuuan, na kasalukuyang nakaimbak sa isang bodega sa Naga City, Cebu.

"Baka akala nila komo mura at accessible kahit saan nakakabili ka sa daan eh madali na gamitin pero napaka-unsafe n'ya. Unsafe 'yun product itself, unsafe 'yun ginawa nilang proseso na pagre-refill," sabi ni Rodela Romero, assistant director ng DOE Oil Industry Management Bureau (OIMB).

Sinabi ng DOE na nauuso ang paggamit ng LPG-refilled butane canisters dahil nagkakahalaga lamang ito ng P10 hanggang P15, ngunit posible itong magdala ng panganib lalo kung nakalagay sa mga maling lalagyan.

"Magko-cause talaga siya ng sunog kasi gas 'yon eh combustible 'yung product, flammable... Wala siyang tinatawag na PRB o pressure relief bulb na natatagpuan sa mga ordinaryong LPG cylinder na kapag nagkaroon ng leak automatic magsasara 'yun valve," sabi pa ni Romero.

Nagbigay-paalala ang gobyerno na kung bibili ng LPG sa canister, ipinapayo ang mga gawa sa aluminum o welded stainless steel na maaring i-refill ng mga accredited supplier.

Mayroon din dapat na standard compliance certificate na ini-issue ng DOE sa mga supplier, pati sa retailers na pinahihintulutang magbenta nito.

"Nag-appeal kami sa mga bulk supplier na baka puwede nila gawan ng supply cut kasi kung 'di naman sila magbebenta saan naman kukuha itong gumagawa ng mga illegal activities," ayon kay Romero. —Jamil Santos/LDF, GMA News