Patay ang isang pulis na nakadestino sa Maynila matapos siyang pagbabarilin sa harap ng gasolinahan ng riding-in-tandem sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras," kinilala ang biktima na si Police Master Sergeant Edgar Morada, naka-assign sa Task Force Divisoria ng Manila Police District Station 2.

Bumulagta na lamang si Morada sa isang bangketa sa Barangay Valencia matapos siyang pagbabaril sa likuran ng mga nakatakas na salarin, na sakay ng motorsiklong walang plaka.

"Coming from behind po. Galing sa likuran 'yung dalawang suspek... Habang nakatigil po 'yung victim pinutukan na po siya," ayon kay Police Lieutenant Colonel Giovanni Caliao, hepe ng QCPD Station 7.

"Nakarinig kami ng putok na sunod-sunod na putok, du'n na kami napatakbo. Nu'ng makita ko 'yung motor, nakabulagta do'n, nakatumba do'n tapos 'yung tao nakabulagta na do'n sa gasolinahan," ayon sa isang tanod.

Nasuri na ng pulisya ang kuha ng CCTV sa pamamaril pero hindi muna isasapubliko habang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Base naman sa mga nakuhang ID, passbook at payslip ng biktima, posibleng katatapos lang niyang kumuha o mag-apply ng loan ang biktima.

Napadaan naman sa crime scene si PNP Chief General Oscar Albayalde habang pinoproseso ng SOCO ang bangkay ni Morada pero hindi na siya nagbigay ng panayam. --Jamil Santos/FRJ, GMA News