Matapos maalis nitong Mayo sa kaniyang mukha ang parasitic twin o ang kakambal na hindi nabuo, kakailanganin pa rin ni Baby Ned na sumailalim sa tatlong importanteng operasyon upang tuluyang maisayos ang kaniyang kalagayan at anyo.

Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, isasagawa ang tatlong operasyon sa loob ng lima hanggang anim na taon.

Nang ilapit ng mag-asawang Vicente at Riza Estampador sa Kapuso Foundation ang kalagayan ng kanilang bagong silang na sanggol na si Baby Ned, kaagad na inilapit ang sa mga espesyalista ang sitwasyon ng bata.

Sa tulong ng mga duktor at mga taong nagmalasakit, isinailalim kaagad sa operasyon si Baby Ned at naging matagumpay ang iba't ibang operasyon na isinagawa sa kaniyang upang maalis ang kaniyang parasitic twin.

READ: Parasitic twin ni Baby Ned, naalis na; pero may pagdadaanan pang operasyon

Gayunman, kailangan pang operasyon muli ang sanggol dahil sa iba pang kondisyon sa kaniyang mukha tulad ng malaking agwat ng kaniyang mga mata o hypertelorism.

"We need to do repair of the cleft lip, of the palate, of the nose.  This is a very big procedure that he has to undergo," sabi ni Dra. Kathryn Nuñez, Paediatric Plastic Surgeon, Philippine Children's Medical Center.

Isang taon ang pagitan ng tatlong operasyon na kailangan isagawa pa kay Baby Ned.

Pero bago pa man masimulan ang mga operasyon, kailangan munang pabigatin ang kaniyang timbang para makayanan ng kaniyang katawan ang proseso.

Isang paraan para bumilis ang kaniyang pagbigat ay ang paghalo ng human milk fortifier sa kaniyang iniinom na breast milk.

"Ang breastmilk nagko-contain lang ng 20 calories but with the fortifier nagagawa siyang 24 calories per ounce," sabi ni Dra. Shiela Masangkay, neonatologist. -- FRJ, GMA News