Ang inaasahang masaganang ani, nauwi sa malaking pagkalugi para sa isang magsasaka sa San Jacinto, Pangasinan matapos masira ng matinding init na dulot ng El Niño ang kaniyang mga tanim na singkamas.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ng magsasaka na si Willie Sison, residente ng Barangay Santo Tomas, na umabot sa P20,000 ang ginastos niya sa pagtatanim ng singkamas sa mahigit 4,000 metro kuwadradong lupain.

Ngunit dahil sa matinding init, malaking bahagi ng kaniyang pananim ang nasira at nabili lamang ng P3,000 ang natirang produkto na puwedeng anihin.

“Sa ngayon ‘yung pang gulay na singkamas naubos ang mga bulaklak nawala mga bunga tapos ‘yung bunga sa ilalim natuyo sa sobrang init ng panahon,” ayon kay Sison.

Ayon sa mga magsasaka, makatutulong sana ang irigasyon upang maisalba ang ilan sa kanilang pananim. Ngunit mas tataas umano ang kanilang gastos dahil sa mahal na presyo ng diesel na ginagamit sa water pump.

Kahit din magamitin ng patubig, wala din umanong kasiguruhan na gaganda ang kanilang magiging ani.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nararanasan na ng Pangasinan ang epekto ng El Niño.

Nagbabala ang ahensya na maaaring mas lumala pa ang sitwasyon mula Hunyo hanggang Agosto.

“By the end of May talaga nakakaranas tayo ng drought condition, sa ngayon talagang 79% na may El Niño,” ayon kay Engr. Jose Estrada Jr., chief meteorologist ng PAGASA-Dagupan City.

Dahil inaasahang magpapatuloy ang tuyong panahon, inaangkop na ngayon ng mga magsasaka ang kanilang paraan ng pagtatanim sa pamamagitan ng pagpili ng mga pananim na mas kayang tiisin ang matinding init.

“Hihintayin ‘yung June para magtanim kasi ‘yung rainy season mag-start doon sila mag-start din na magtanim kapag may ulan na,” pahayag ni Engr. Rosendo So, chairman ng grupong SINAG.

Sinabi rin ni Sison na lumilipat na rin ang mga magsasaka sa kanilang lugar sa mga pananim na mas matibay sa tagtuyot upang makayanan ang epekto ng matinding init.

“Kapag El Niño mga kalabasa at talong ang itanim namin,” sabi niya. -- FRJ GMA News