Arestado ang anim na katao na mga tulak at gumagamit ng droga umano sa isang condominium unit na nagmistulang drug den sa Mandaluyong City.

Nasagip naman ang isang sanggol na hinihinalang ginamit umano ng mga suspek bilang pangtubos sa mga magulang.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa Balitanghali Weekend ng GMA News TV, makikita ang pagsalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency - Special Enforcement Unit pasado 2 a.m. nitong Sabado.

At nang magpositibo ang buy-bust operation, dito na nila pinasok ang unit.

Huli si Dustin Catolico, isang engineer na pangunahing target ng operasyon, at isang buwang minanmanan ng PDEA.

Nakuha sa operasyon ang mga sachet ng hinihinalang shabu na higit 100 ang gramo at nagkakahalaga ng higit P700,000, aluminum foil, walong bala, weighing scale at mga drug paraphernalia.

Nasa limang buwang gulang naman ang sanggol na nadatnan din ng PDEA sa condo.

Ayon sa kanila, posibleng biktima ng kidnapping ang sanggol nang umamin ang mga suspek na hindi nila anak ang bata.

Posible ring ginagamit na collateral sa droga ang sanggol saka ipatutubos sa mga magulang.

Itinanggi ni Catolico na sa kanya ang mga hinihinalang droga. Hindi aniya siya tulak, pero gumagamit siya.

Inamin din niya na nagtutungo sa lugar ang mga kaibigan para gumamit ng droga.

"'Yung alleged drugs na nakikita diyan po came from outside... Hindi naman drug den pero some come in then to use. Not to use, parang jam lang, ganu'n," saad ni Catolico.

Umamin din ang tatlo pang suspek na gumagamit sila ng droga.

"Ahm, opo. Once," saad ng drug suspek na si Carla Kerr.

"Hindi ko po alam. Wala po akong idea. Nandyan na lang po 'yun," sagot ni Kerr nang tanungin kung saan nanggaling ang ginamit niyang droga.

"Natikman lang po pero hindi na po ako gumagamit," sabi ni Meriel Villarivera, drug suspek.

"Minsan lang po 'pag minsan minsan 'pag may derby, 'yun lang po," sabi ng drug suspek na si Rodel Camarillo.

Dati nang nakulong sa droga ang suspek na si Ilah Dalimbang, pero naaya lang daw na makipag-inuman.

"Dati nakulong ako noong 2016. Nu'ng paglaya ko, 2018. Eh 'yung kaso ko nu'n 5-11. Na-dismiss. Tapos tumigil ako sa mga ganyan," sabi ni Dalimbang.

Itinanggi ng mga suspek na tinangay nila ang bata o nagbalak silang ibenta ito.

"Kukunin ko po 'yung bata. Anak po ng kaibigan ko. Sa akin po hinahabilin 'pag umaalis po 'yung nanay," saad ni Villarivera.

"'Yung bata po talagang matagal na po 'yang nandiyan. Tinulungan po niya 'yun. Homeless po 'yung mag-iina na 'yun," sabi ni Kerr.

Ite-turn over ng PDEA ang sanggol sa Department of Social Welfare and Development.

Makikipag-ugnayan din sila sa NBI at pulisya para masampahan ng kasong human trafficking ang mga suspek. —Jamil Santos/KG, GMA News