May paliwanag ang isang astronomer ng PAGASA sa mala-kandilang liwanag na nakita sa kalangitan ng Sulu, na pinapangambahan umano ng mga Tausug na indikasyon ng masamang pangitain.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing marami ang namangha nang makita ang kakaibang liwanag sa dilim ng gabi nang lumabas ang mga larawan na kuha ni Amarkhan Jidara sa social media.

May ilang inihalintulad ang liwanag sa sikat na Aurora Borealis, o northern lights at Aurora Australis na nakikita sa ilang malalamig na bansa malapit sa North pole.

Ayon kay Jidara, dalawang beses na niyang namataan ngayong taon ang naturang liwanag sa Sulu. Pinakahuli raw noong June 30 ng gabi na tumagal ng 20 hanggang 30 minuto.

Ang mga Tausug, "lansuk lansuk" o kandila ang tawag sa liwanag na itinuturing umanong masamang pangitain dahil posible raw na may dalang trahedya.

Ngunit ayon sa PAGASA, "light pillars" ang nakitang mga liwanag sa Sulu.

"During that time mayroon po tayong tinatawag na high clouds, 'yung maninipis na matataas na clouds. 'Yung clouds na 'yun, high clouds or cirrus cloud na tinatawag natin, present po do'n 'yung mga ice particles na nagiging cause ng phenomenon na 'yun. So sila 'yung responsible para magkaroon ng pillars kaya mag-reflect ng light coming from the sun," paliwanag ni Angela Lequiron, isang astronomer ng PAGASA.

Sun pillar daw ang tawag kung araw ang nagbibigay sa kaniya ng liwanag sa ice particles, at moon pillar  naman kung liwanag na mula sa buwan.

Pero kahit ordinaryong ilaw na nasa lupa, puwede ring ma-reflect at lumikha ng light pillar.

Gayunman, hindi raw malalaman kung kailan magkakaroon ng light pillars. Pero mas marami umano ice particles sa ulap kapag tag-ulan kaya mas malaki ang tiyansa na magkaroon nito.

Nilinaw din ni Lequiron, na iba ang light pillars kumpara sa sikat na Aurora borealis o Northern lights, at Aurora australis.

Kumpara sa light pillars na nakikita sa pagtama ng liwanag ng araw o buwan sa ice particles na nasa ulap, ang borealis at australis naman daw at magnetic field ng mundo at hindi atmospheric properties.

"Hindi masyadong common 'yung ganu'ng phenomenon sa atin kasi nangyayari siya sa cold arctic regions. So nagkataon lang na during that time may sufficient amount ng ice particles na kayang mag-reflect at mag-produce ng ganu'ng phenomenon," pahayag ni Lequiron.-- FRJ, GMA News